Mga Bersikulo ng Bibliya mula sa
MGA KAWIKAAN
Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal, ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan, ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti, ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.
Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban, ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Ang salita ng matuwid ay palaging angkop, ngunit ang salita ng masama ay puro paninira.
Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan, ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.
Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon.
Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan, na walang kasamang kabalisahan.
Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin, lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
Ang pinong pananalita ay di mahahanap sa mangmang, ni ang kasinungalingan sa taong marangal.
Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata, ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
Ang taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan, at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.
Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw, ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay, ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw.
Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran, ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong.
Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. Huwag itong babayaang mawala sa paningin, sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin, huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw.
Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga, hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa?
Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Ang mga apo ay putong ng katandaan; ang karangalan ng mga anak ay ang kanilang magulang.